Marami akong kakilala na pumasa at natutuwa ako sa malaking accomplishment na pinagdaanan niyo. Marami rin akong kakilalang bumagsak sa nakaraang board exam at ang masasabi ko lang ay tatagan niyo pa ang loob niyo dahil isa lang iyan sa pagsubok na pagdadaanan niyo.
Minsan din akong naging nursing student. Naranasan ko ang hirap ng trabaho. Ang pagdugo ng ilong, ang pag-amoy ng kung anu-anong mabaho at ang pagpiga sa utak tuwing may exam. Kaya kung ano man ang kasiyahan na tinatamasa ng lahat ng kaibigan at kakilala ko na pumasa, masaya ako sa narating niyo. DESTINED talaga kayo diyan.
At sa mga hindi pinalad, walang masamang umulit ng BOARD EXAM, wag niyo lang gawin libangan ang pag-ulit. Alamin ang kakayahan ng sarili. Alamin din kung ito ba talaga ang inilaan na propesyon para sa inyo. Hindi matatapos ang buhay niyo dahil lang sa hindi kayo pumasa. May mahigit isang libong propesyon sa mundo. Kailangan mo lang kilalanin ng mabuti ang sarili mo.
Dahil sa change of career ko, nagyon ay naiisip ko na may buhay pa pala ako sa labas ng mundo ng nursing. Minsan sinasabi ko sa sarili ko na tapos na ang NURSING LIFE ko. Hindi ko man ito natapos on a high note, wala rin naman akong pinagsisisihan sa ngayon.
Sa tatlong job interview ko bilang call center agent, lagi nilang kinukwestiyon ang commitment na ibibigay ko dahil sa undergraduate ako at nursing ang course ko. For the sake na maipasa ko ang job interview, lagi ko rin sinasabi na handa akong magtagal bilang isang CALLBOY hangga't kailang ako ng kompanya. AYOS di ba. Samahan mo pa ng DRAMA.
Pero ngayon, naiisip ko na mukhang nagiging totoo nga yata ang commitment ko sa bago kong trabaho. Ngayon lang kasi ako ginanahan ng husto sa ginagawa ko. Ngayon lang ako naging komportable sa buhay ko. Mahirap ang trabaho pero masaya. At ang tangi kong problema ay kung paano ko pinipilipit ang dila ko sa tuwing nasa bibig ko na ang mikropono.
Hanga ako sa anim ko na kasamahan sa kompanya na pumasa rin sa board exam. Hindi maikakaila na talagang maraming nurse ang pinipiling magtrabaho sa call center kaysa sa ospital. Hindi nga lang pala nurse kundi pati mga ibang propesyonal. Lahat gustong humawak ng headset at tumikim ng libreng kape. Hindi ko sila masisi kung change of direction man o stepping stone ang tingin nila sa call center industry. Pero isa lang ang narealize ko, kanya-kanyang trip lang iyan. Sarili mo din naman ang magdedesisyon sa oras na kailangan mong mamili.
Muli, sumasaludo ako sa lahat ng bagong Nurses na pumasa sa board exam. Sana ay maging matagumpay kayo sa propesyon na pinili niyo at maisip niyo sana ang naging buhay ng isang babae na lampara at pagkalinga sa mga may sakit lamang ang naging sandata sa panahon ng giyera ilang daan taon na rin ang nakakaraan. Nagsilbi siyang instrumento sa kung ano ang tunay na silbi ng propesyon na tinahak niyo. Hindi pera kundi pagkalinga. Hindi sweldo kundi pag-aruga.
Mapanatili niyo sana ang kalinisan na bumabalot sa damit na suot niyo at sana ay maisip niyo ang inyong bayan na sana ay umunlad din ang industriya ng medikal hindi dahil sa kung ano man na teknolohiya kundi dahil sa de-kalidad na karakter ng mga tao na tutupad sa ginampanan nilang propesyon.
No comments:
Post a Comment