Showing posts with label Call Center. Show all posts
Showing posts with label Call Center. Show all posts

Sunday, February 22, 2009

Diaspora of Nurses

Nais kong batiin ang mahigit 40 libong bagong nurses na pumasa sa nakaraan na Nurse's Licensure Examination.

Marami akong kakilala na pumasa at natutuwa ako sa malaking accomplishment na pinagdaanan niyo. Marami rin akong kakilalang bumagsak sa nakaraang board exam at ang masasabi ko lang ay tatagan niyo pa ang loob niyo dahil isa lang iyan sa pagsubok na pagdadaanan niyo.

Minsan din akong naging nursing student. Naranasan ko ang hirap ng trabaho. Ang pagdugo ng ilong, ang pag-amoy ng kung anu-anong mabaho at ang pagpiga sa utak tuwing may exam. Kaya kung ano man ang kasiyahan na tinatamasa ng lahat ng kaibigan at kakilala ko na pumasa, masaya ako sa narating niyo. DESTINED talaga kayo diyan.

At sa mga hindi pinalad, walang masamang umulit ng BOARD EXAM, wag niyo lang gawin libangan ang pag-ulit. Alamin ang kakayahan ng sarili. Alamin din kung ito ba talaga ang inilaan na propesyon para sa inyo. Hindi matatapos ang buhay niyo dahil lang sa hindi kayo pumasa. May mahigit isang libong propesyon sa mundo. Kailangan mo lang kilalanin ng mabuti ang sarili mo.

Dahil sa change of career ko, nagyon ay naiisip ko na may buhay pa pala ako sa labas ng mundo ng nursing. Minsan sinasabi ko sa sarili ko na tapos na ang NURSING LIFE ko. Hindi ko man ito natapos on a high note, wala rin naman akong pinagsisisihan sa ngayon.

Sa tatlong job interview ko bilang call center agent, lagi nilang kinukwestiyon ang commitment na ibibigay ko dahil sa undergraduate ako at nursing ang course ko. For the sake na maipasa ko ang job interview, lagi ko rin sinasabi na handa akong magtagal bilang isang CALLBOY hangga't kailang ako ng kompanya. AYOS di ba. Samahan mo pa ng DRAMA.

Pero ngayon, naiisip ko na mukhang nagiging totoo nga yata ang commitment ko sa bago kong trabaho. Ngayon lang kasi ako ginanahan ng husto sa ginagawa ko. Ngayon lang ako naging komportable sa buhay ko. Mahirap ang trabaho pero masaya. At ang tangi kong problema ay kung paano ko pinipilipit ang dila ko sa tuwing nasa bibig ko na ang mikropono.

Hanga ako sa anim ko na kasamahan sa kompanya na pumasa rin sa board exam. Hindi maikakaila na talagang maraming nurse ang pinipiling magtrabaho sa call center kaysa sa ospital. Hindi nga lang pala nurse kundi pati mga ibang propesyonal. Lahat gustong humawak ng headset at tumikim ng libreng kape. Hindi ko sila masisi kung change of direction man o stepping stone ang tingin nila sa call center industry. Pero isa lang ang narealize ko, kanya-kanyang trip lang iyan. Sarili mo din naman ang magdedesisyon sa oras na kailangan mong mamili.

Muli, sumasaludo ako sa lahat ng bagong Nurses na pumasa sa board exam. Sana ay maging matagumpay kayo sa propesyon na pinili niyo at maisip niyo sana ang naging buhay ng isang babae na lampara at pagkalinga sa mga may sakit lamang ang naging sandata sa panahon ng giyera ilang daan taon na rin ang nakakaraan. Nagsilbi siyang instrumento sa kung ano ang tunay na silbi ng propesyon na tinahak niyo. Hindi pera kundi pagkalinga. Hindi sweldo kundi pag-aruga.

Mapanatili niyo sana ang kalinisan na bumabalot sa damit na suot niyo at sana ay maisip niyo ang inyong bayan na sana ay umunlad din ang industriya ng medikal hindi dahil sa kung ano man na teknolohiya kundi dahil sa de-kalidad na karakter ng mga tao na tutupad sa ginampanan nilang propesyon.

Thursday, January 8, 2009

Of Fulfillment

Kahapon ay nagpunta ako ng Quiapo Church.
Marami akong pinasalamatan.
Marami rin akong hiniling.

Isang araw ang lumipas,
halos lahat ng hiniling ko sa Nazareno ay natupad lahat.

Hindi naman ako deboto.
Hindi rin ako mahilig magsimba.

Pero ika nga ni Kuya Kim,
ngayong araw ay nagbago ang tingin ko sa mundo.

Ito na siguro ang pinakamasayang araw ng buhay ko.

May pinuntahan ako kanina.
Sa una, blangko ang utak ko.
Ngunit ng lumaon, naisip ko
Ito ang araw na kailangang may mapatunayan ako sa sarili ko.

May mga nakilala ako.
Ngunit lahat kami,
ay parang mga daga na nag-uunahan sa isang karera.

Lumipas ang mga oras,
isa isang nagtumbahan ang iba.

Natapos ang araw,
umuwi ako kasabay ang isang damdamin na hindi ko maipaliwanag.

Naranasan ko ang tila ba kagalakan na wala kang masabihan kundi ang sarili mo.
Nasulit ang pagod ko buong araw.
Naubos ang laman ng baterya ko.
Pero sa pag-uwi kong iyon,
baon ko ang isang pag-asa
na ako ngayon ay isang lehitimong mamamayan na ng bansa natin.

Salamat.
Sa Poon.
Sa hirap.
Sa pag-asa.
Sa pagsubok.
Sa pagbagsak.
at sa muli kong pagbangon.

Bukas, masasaksihan ko ang pagbabago ng buhay ko.
Bukas, magsisimula na ang pangalawang yugto ng paglalakbay kong ito.