May isang lugar ako na pinuntahan kanina.
Matagal na rin mula ng huli akong nagpunta sa lugar na iyon. Malapit lang siya kung saan ako nakatira ngunit kahit masilip o mapadaan man lang dito ay hindi ko nagawa ng matagal-tagal na rin na panahon dahil meron pumipigil sa paa ko na hindi ko alam. Ngunit kanina, naglakas loob akong maglakad-lakad at muling balikan ang lugar kung saan maraming alaala ang naipundar sa aking isipan.
Sinimulan ko ang aking paglalakad na kalmado ang aking pakiramdam. Una kong napansin ang mamang abala sa pag-iihaw ng kanyang mga barbecue na kanyang itinitinda. Agad ko siyang nilapitan at sa paglapit ko ay mukhang alam na niya ang aking bibilhin. Madalas ko siyang bilhan dati at ginagawa ko pa ngang ulam ang tinda niya kapag nagsasawa akong kumain sa karinderya. May kasama din ako dito sa madalas na pagpunta ko. Matapos matusta ang pagkain, doon ko sinimulan ang aking paglalakad. Sa umpisa pa lang ng hakbang ko ng aking paa ay para bang naging background music pa ang "Kanlungan" ni Noel Cabangon sa tenga ko habang ako ay nag-umpisang maglakad. Bumalik sa alaala ko ang mga puno sa paligid at ang mga batang masayang naglalaro sa kalsada. Sa bawat hakbang at layo ng nilalakad ko ay ganoon din ang pagbigat ng pakiramdam ko. Natatakot ako na baka may makakilala sa akin kahit alam ko na naglaho na sila kasama ng kanilang alaala. Papalapit ako ng papalapit sa lugar na ninais kong marating. At ng marating ko ito, natigil ang musika. Natigil ang kaba ko. Natigil ang poot sa aking pakiramdam. Napalitan sila ng magagandang alaala. Napalitan ang poot ng kalmadong pag-iisip.
Sinilip ko ang lugar. Madilim at halatang wala ng tao dito. Wala ng gamit sa loob. Wala na ang sofa kung saan ko siya madalas na sinasalubong. Sinilip ko ang hagdan. Bumalik sa alaala ko ang tunog ng kanyang tsinelas habang pababa na dali-daling papalakas ng papalakas ang tunog sa aking tenga. Ang alaala habang mabilis siyang tumatakbo papalapit sa akin, nakikita ko ang kanyang ngiti habang pabilis ng pabilis ang kaniyang takbo na tila ba sabik na makita ako. Ang kanyang nagagalak na boses habang sa patuloy niyang paglapit ay dama ko na ang kanyang pagyapos. Dama ko na ang kaniyang malalambot na bisig at ang matamis na amoy ng kanyang buhok pati ang kanyang mabangong amoy kung saan sa matagal na panahon ay ako'y nabighani.
Tumigil ang paghakbang ng aking paa. Huminga ako ng malalim habang isa isang bumabalik sa aking alaala ang masasayang bagay na bumalot sa buhay ko sa nakaraan. Tumigil ang mundo ko ng ilang segundo habang papalamig ng papalamig ang aking nararamdaman. Bumilis ang aking paghinga at tila ba naging dilaw ang kulay ng aking nakikita na para bang flashback sa isang lumang pelikula. Ipinikit ko ang aking mata at ilang segundo akong nagpaalam sa alaalang matagal kong itinago sa aking isipan. Pagmulat ko, wala na ang lahat. Bumalik ako sa aking kamalayan. Bumalik ako sa realidad ng buhay.
Napakabilis ng lahat. Nagpatuloy ako sa paglalakad. Dala dala pa rin ang poot ng alaala ngunit kasama ang pag asa na tanging panahon ang huhusga at magpapatuloy ako sa paglalakbay ko sa bagong buhay na pinili ko. Huminga ulit ako ng malalim. NAgbago na ang musika sa aking tenga. tila ba mga kanta ni James Blunt ang pumalit sa tono ni Noel Cabangon. Matapos nito, patuloy akong naglakad. Patuloy akong naglakbay.
No comments:
Post a Comment