San Francisco Bridge na naputol.
White House na inatake ng mga aliens.
Naglahong populasyon dahil sa isang virus.
Monster na umatake sa New York.
Higanteng Lizard na nangwasak ng mga buildings.
Higanteng Unggoy na umakyat sa Empire State Building.
Ang mga nabanggit ko sa itaas ay hindi plot ng isang panibagong terrorist attack matapos ang nangyari sa Mumbai. Ngunit ang mga iyan ay ilang eksena sa pelikula na gawa ng mga American Filmmakers.
Ano pa nga bang Historical sites sa bansa nila ang hindi pa nawawasak sa kanilang mga pelikula?
I mean, gustong gusto nilang pasabugin ang mga lugar sa bansa nila. Gustong-gusto nila na maghasik ng lagim sa mga pelikula.
Ngunit kapag nagkatotoo tulad ng nangyari sa World Trade Center, sisihan sa gobyerno, iyakan ng walang katapusan at sa huli - siyempre ay ang gustong gusto ng lahat - BENEFIT CONCERT.
Hahaha. Iyon yata ang pinakamasayang pangyayari matapos ang trahedya. Ang BENEFIT CONCERT. Isa na yatang tradisyon ang pagdadaos ng BENEFIT CONCERT matapos ang trahedya sa bansa nila. Iyan ang panahon kung saan bigla mong naramdaman na may karamay ka sa gitna ng trahedyang pinagdadaanan mo. hindi ka nag-iisa. Kaisa mo ang lahi mo at ang buong mundo.
Naisip ko ay buti na lang ay hindi pa ito nangyayari sa sarili nating bansa. Hmp. Ano kaya kung may mag-isip din na bombahin ang Rizal Park? Meron din kayang mga taong magdadalamhati kung pasabugin nila ang estatwa ni Rizal - ang ating pambansang bayani? O baka matuwa pa ang iba at mawawala na ang lahat ng nagra-rugby sa lugar? At may hihirit pa na sana isunod na ang Malakanyang para mawala na si Gloria.
Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa ating mga Pilipino kung sakali man na tayo ay atakehin ng mga terorista. Ngunit sa totoo lang, ayaw ko ng malaman pa ang sagot sa mga tanong ko na iyan. Mabuti na sigurong aminin na lang natin na baluktot ang pagkakaisa nating mga pinoy kaysa naman maipit pa tayo sa isang sitwasyon na hahamon sa ating lahi.
Para sa akin, maswerte pa rin tayo sa kalayaan at seguridad na natatamasa ng ating bansa, kumpara sa THAILAND, INDIA, HAITI sa mga nagdaang araw. Isama mo pa ang dekada ng gulo sa SOMALIA na naging pelikula na rin. Maswerte pa rin ako dahil may LRT at MRT pa akong nasasakyan upang umiwas sa TRAFFIC sa EDSA at TAFT avenue. Maswerte pa tayo dahil kahit isang beses sa isang buwan ay nakakapamasyal tayo sa loob ng mall na walang bayad ang pagpalamig sa Air-Con. Maswerte pa rin tayo na kahit mabagal ang takbo ng hustisya ay umuusad pa rin ito sa ating bansa. Maswerte pa rin tayo na kahit sangkatutak ang tiwaling opisyal sa ating gobyerno ay naiisipan pa rin nilang magpagawa ng mga kalsada, tulay at mga eskwelahan kahit isang beses sa siyam na taon nilang panunungkulan. Maswerte pa rin tayo dahil kahit may mga pari tayong nakakabuntis, bakla, terorista ay napupuno pa rin ang simbahan tuwing linggo at hindi pa naglalaho ang ating pananalig sa Diyos.
Alam ko na marami sa atin ang naghahangad pa rin ng pag-unlad o ikaangat sa buhay. Ngunit hindi ito nakukuha sa isang iglap kahit sampung beses man tayo magpalit ng pangulo mula ngayon hanggang 2010. Hindi assurance ang CHA CHA ng pagbabago. Hindi tayo yayaman kung ma-impeach man ang PRESIDENTE. At lalong hindi tayo uunlad kahit makapasok ang PLONING sa OSCARS.
Habang nagkakagulo sa Mumbai noong isang linggo at naka full alert ang Militar natin dito sa Pilipinas, ang balita sa TV PATROL ay kung totoo ang usap-usapan na magkakabalikan si Dingdong at Karylle. At kung sino ang partisipante ng Pinoy Fear Factor ang susuko sa hamon ng mga ahas. Marami nga sigurong mas importanteng bagay kaysa sa ating seguridad at sanay na siguro tayong maging manhid sa kabila ng takot na pwedeng mangyari ang mga kaguluhan na nagaganap sa ibang bansa at malipat ito sa sarili nating bayan.
Kung kayo ay kuntento na sa buhay niyo ngayon, sana ay hindi magbago ang sweldo niyo sa inyong trabaho. Kung kayo ay patuloy na naghahanap ng pagbabago sa lipunan, sige at baka madaan pa natin iyan sa konti pang tulog. Kung kayo ay sawang sawa na sa pagiging Pilipino, may mga bundok sa Africa ang hindi pa natitirhan ng tao.
Kanya-kanyang diskarte nga lang siguro iyan. Kanya-kaniyang oras ang darating para sa nararapat na bagay. Kanya-kanyang pagsubok na hahamon. Ngunit sa huli, kanya-kanya din ang pagtindig para makabangon kahit pa mahila ulit natin pababa ang una ng tao na nakatayo.
No comments:
Post a Comment